Inquirer at GMA-7, magkatuwang sa unang presidential debate ng COMELEC

 

Jilson Seckler Tiu/Inquirer

Magkasamang magiging punong-abala ang Inquirer at ang election partner nito na GMA-7 sa coverage ng unang bahagi ng presidential debate series na inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa Capitol University sa Cagayan de Oro City gaganapin ang unang bahagi ng serye ng debate, February 21 mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Mismong si COMELEC Chair Andres Bautista ang nag-anunsyo nito kasabay ng pirmahan ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng poll body at ng piling media outfits kahapon.

Tatlo ang presidential debates na inorganisa ng COMELEC na magsisimula sa Mindanao, sunod sa Visayas at huli sa Luzon, habang isa namang vice presidential debate ang inihanda nila na gaganapin sa Metro Manila.

Ang tinaguriang “PiliPinas Debates 2016” ay gagawin sa mga piling unibersidad sa bansa, ay ipo-produce at live na ipapalabas ng mga participating networks at ng kanilang mga print partners.

Sa mga debateng ito inaasahang ilalatag ng mas masinsinan ng mga kandidato ang kani-kanilang mga plataporma kaugnay sa iba’t ibang isyu sa bansa.

Tatalakayin sa unang debate ng mga presidential aspirants ang mga namamayagpag na isyu sa bansa partikular na ang peace and order, poverty reduction, agriculture at Charter change.

Sa ikalawang bahagi naman na gaganapin sa Cebu at pangungunahan ng TV5 at Philippine Star, pag-uusapan ng aspirants ang disaster preparedness, climate change, healthcare, education at paglaban sa kurapsyon.

Samantala, sa ikatlong debate naman ay tatalakayin ang mga palataporma ng mga kandidato hinggil sa traffic at public transportation, electoral and political reforms, foreign policy, tax reform at national defense.

Para kay Inquirer Central Desk chief Juliet Labog-Javellana na pumirma ng MOA para sa Inquirer, ito ay magiging isang matalinong diskurso hinggil sa mga kwalipikasyon at plataporma ng mga kandidatong pagpipilian sa halalan.

Muli namang sinabi ni Bautista na iniimbitahan ng COMELEC ang lahat ng mga kakandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa, ngunit nilinaw na hindi ito sapilitan.

Read more...