Pagiging ‘datu’ ni Roxas, binatikos

 

Inquirer file photo

Pumalag ang isang Maranaw leader sa pagbibigay ng titulong datu kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa Lanao.

Nagpahayag si Norodin Alonto Lucman sa kaniyang Facebook account ng pag-kundena sa pagiging ‘honorary datu’ ni Roxas at sinabing hindi karapat-dapat ibigay ang nasabing karangalan sa kaniya.

Si Lucman ay anak ng mga royalties sa mga bayan ng Ramain at Bayang na sina yumaong dating Lanao del Sur Rep. Haroun Ak-Rashid Lucman at dating Lanao del Sur Gov. Princess Tarhata Alonto.

Kaugnay nito, hinikayat niya ang mga miyembro ng mga royal houses sa Mindanao na kundinahin ang ginawa ng Sultanate of Lanao na pagbibigay ng trono kay Roxas.

Ayon pa sa kaniya, hindi dapat binibigyan ng ganitong uri ng titulo ang isang “Islamophobe” na tulad ni Roxas dahil ito ay nakakasira sa dignidad ng kanilang mga ninuno at laharang pambabastos sa mga sultanato ng Maguindanao at Sulu.

Nabanggit pa ni Lucman ang nangyari noon kung kailan ipinilit na bigyan ng titulong Bai a Labi o principal princess si dating Pangulong Corazon Aquino.

Sa isang okasyon aniya kung saan pag-uusapan nila ng dating Pangulo ang kapayapaan sa Mindanao, may binigay sa kaniya ang DILG undersecretary noon na bahagi umano ng kaniyang babasahing talumpati.

Ikinagulat niya ito dahil nakasaad doon na ipo-proklama niya bilang Bai a Labi si dating Pangulong Aquino, ngunit tumanggi siya at iginiit na hindi basta basta ipinapamigay ang ganoong titulo.

Nagulat ang lahat ng mga tauhan noon ni Aquino, pati na si Sen. Franklin Drilon na naroon din, at kinailangan pa nilang palitan ang talumpati ng presidente dahil sa biglaang pagbabago.

Para sa kaniya, isang malaking insulto ito sa kanilang iniingatang kultura, at nanawagan sa mga kapwa niya Muslim na pangalagaan ang mga pinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno.

Read more...