Malacañang: Pagbasura sa P267M ill-gotten wealth case dapat igalang

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na dapat igalang at sundin ang desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang P267 milyong ill-gotten wealth case laban sa yumaong diktador, dating Pangulong Ferdinand Marcos at asawa nitong si Imelda.

Sa pahayag araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat laging manaig ang ‘rule of law’ sa lahat ng korte sinuman ang mga partido.

“The rule of law must always prevail in courts regardless of who are the parties. Their decision must be accorded respect and obedience,” ani Panelo.

Paliwanag pa ng kalihim, hindi makikiaalam ang ehekutibo sa mga usapin sa hudikatura bilang co-equal branch ng gobyerno.

“The Administration does not interfere with the judiciary,” ayon sa kalihim.

Ang pahayag ng Palasyo ay matapos ang desisyon ng 4th Division ng anti-graft court na ibasura ang P267.37 milyong civil case dahil sa umano’y kakulangan sa ebidensya.

Bigo umano ang prosekusyon na magsumite ng mga orihinal na kopya ng documentary evidence.

Nito lang ding buwan ibinasura naman ng 2nd division ang isa pang P1.052-bilyong ill-gotten wealth case laban sa mga Marcos at pinagsususpetsahang dummies dahil din sa kakulangan sa ebidensya.

 

Read more...