Hinimok ni dating law dean Abraham Espejo ang kaniyang dating propesor na si Senior Associate Justice Antonio Carpio na mag-inhibit sa deliberasyon ng mga disqualification cases laban kay Sen. Grace Poe.
Ito ay dahil umano sa pagiging malapit ni Carpio sa lalaking inakusahang nameke o nag-forge ng mga dokumento ng ama-amahan ng senadora na si Fernando Poe Jr. para mapurnada ang pagkandidato nito sa pagka-pangulo.
Ayon kay Espejo, inilahad ni Brig. Gen. Jose Almonte na dating national security adviser noong Ramos administration sa kaniyang librong “Endless Journey: A Memoir”, ang pagiging malapit nina Carpio at yumaong National Archives Director Ricardo Manapat sa isa’t isa.
Dating naimbitahan si Manapat sa Senate inquiry noong 2004 dahil sa pagkakadawit niya umano sa pag-babago ng mga detalye sa birth certificate ni FPJ at marriage certificate ng mga magulang niya para palitawin na American citizen siya.
Punto ni Espejo, bilang kanilang propesor, tinuruan sila ni Carpio na maging ethical at piliin ang “moral high ground” bilang mga abogado.
Kaya naman sinabihan niya si Carpio na “practice what you preach” at nagmakaawang mag-inhibit na sa anumang diskusyon na may kinalaman sa citizenship ni Sen. Poe dahil nagbigay na siya ng kaniyang posisyon sa isyu.
Mababatid na si Carpio ang chairman ng Senate Electoral Tribunal (SET) na bumoto na i-diskwalipika ang panalo ni Poe sa 2013 midterm senatorial election dahil sa hindi pagiging natural born citizen.
Hindi na tama ani Espejo na siyasatin ang desisyon na siya mismo ang nag-baba dahil napaka-bihira aniyang mangyari na baliktarin ang sariling desisyon sa isang isyu.