Water service interruptions nagsimula na

Nagsimula na Huwebes ng gabi ang rotational water service interruptions ng Metro Manila concessionaires dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat at Ipo Dam.

Aabot sa hanggang 19 na oras ang service interruptions sa ilang lugar.

Apektado ng daily service interruptions ng Maynilad ang Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Maynila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, Valenzuela, mga bayan at lungsod ng Bacoor, Kawit, Imus, Noveleta at Rosario sa Cavite at Meycauayan sa Bulacan.

Sa abiso naman ng Manila Water ang mga apektadong lugar ay ang Makati, Mandaluyong, Marikina, Maynila, Parañaque, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig at mga bayan at lungsod ng Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Jalajala Rodriguez, San Mateo, Taytay, at Teresa sa Rizal.

Ayon sa dalawang water concessionaire, ang service interruptions ay bahagi ng paghahanda para sa Summer 2020 sakaling hindi maabot ng Angat Dam ang 212-meter level sa katapusan ng taong ito.

Hanggang Huwebes ng umaga, nasa 185.87 meters na lang ang antas ng tubig sa Angat Dam, ilang metro na lang ang taas sa normal operating level na 180 meters at malayo sa normal high operating level na 210 meters.

Dahil sa panibagong interruption, nanawagan ang dalawang senador para sa review ng concession agreements ng Maynilad at Manila Water sa gobyerno.

Ayon kina Senators Imee Marcos at Bong Go apektado ng water interruptions ang mahihirap na pamilya at maliliit na negosyo.

Hindi dapat umano ipinapasa sa mamamayan ang kalbaryo dahil lamang sa kabiguan ng dalawang concessionaire na makapagsuplay ng tubig.

“Poor families and small businesses, such as small eateries, car washes, and laundry shops that heavily rely on water daily, would suffer,” ani Marcos.

“Please don’t pass on the burden to our countrymen. You entered this business, you can solve this situation. Don’t sign contracts when you can’t comply with supplying water to us,” ayon kay Go.

Giit ni Marcos, ito na ang ikalawang beses na may water supply crisis sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Sinabi naman ni Go na sasabihin niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa review ang mga kontrata ng Maynilad at Manila Water.

Nauna nang sinopla ng pangulo ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa water shortage noong summer.

 

Read more...