Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi banta sa kalusugan ng tao ang pagkain ng processed meat products sa gitna ng pagpositibo ng ilan sa mga ito sa African Swine Fever (ASF).
Sa pahayag araw ng Huwebes, sinabi ni Health Undersecretary at Food and Drug Administration (FDA) officer-in-charge Eric Domingo na wala dapat ikatakot ang publiko sa ASF kahit makakain ng produktong kontaminado nito.
“Basta kinain ng tao wala pong problema at wala pong dapat ikatakot na kumain ng produktong ito, dahil sa kalusugan ng tao, wala po talaga siyang epekto,” ani Domingo.
Giit ni Domingo, walang epekto sa human health ang ASF at tanging sa baboy lamang nakakaapekto ang mga ito.
“Ito po ay completely safe. Wala po siyang epekto sa kalusagan ng tao, it is safe for human consumption; sa human health wala po syang threat ito pong virus na ito, naapektuhan lang po nito ay mga baboy,” dagdag ng health official.
Ang pahayag ni Domingo ay matapos ang paglabas ng clinical laboratory report ng Bureau of Animal Industry’s (BAI) na nagpositibo ang ilang processed meat products sa ASF kabilang ang hotdog, longganisa at tocino.
Ayon kay Domingo, titingnan nila ang detalye ng laboratory report.
Samantala, pinayuhan pa rin ng health official ang publiko na bumili lamang ng mga processed meat products na mayroong Certificate of Product Registration (CPR).
Ang mga produkto anya na may CPR ay tiyak na ligtas para kainin ng tao dahil ang mga pabrikang pinanggalingan ng mga ito ay dumaan sa inspeksyon ng FDA.