Gawa ng isang medium-scale meat processor mula sa Central Luzon ang mga longganisa, hotdog at tocino na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Agriculture spokesperson Noel Reyes, nakumpiska ang processed meat products bilang hand-carried baggage ng isang pasahero sa pantalan sa Calapan, Mindoro.
Nasabat ang ASF-positive na mga produkto ng mga quarantine personnel, at mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS).
Sinabi anya ng may dala ng tocino, hotdog at longgasina na nabili niya ang mga ito sa Central Luzon.
Hindi tinukoy ng ahensya ang brand ng naturang mga produkto habang iniimbestigahan pa ito.
Paliwanag ng opisyal, posibleng nalipat ang ASF sa nabiling hotdog, longganisa at tocino dahil itinago ng mga backyard hog raisers ang alaga nilang mga baboy na nasa isang kilometro ng ground zero para hindi patayin.
Ang mga baboy anya ay maaaring nabenta sa sa mga negosyante na nagpakatay naman sa katayan sa hindi accredited ng NMIS at nagawang hotdog, tocino at longganisa.
Batay sa kopya ng clinical laboratory report ng Veterinary Laboratory Division ng BAI, ang mga produkto ay galing sa isang sender na ang address ay sa 262-C Teresa St., Sta. Mesa, Manila.