‘Bobo’ heckler Atty. Gadon, boluntaryong sinimulan ang kanyang 3-month suspension

Photo by EV Espiritu

Ipinaabot ni Atty. Lorenzo ‘Larry’ Gadon sa Korte Suprema na boluntaryo niyang pagsisilbihan ang tatlong-buwang suspensyon.

Sa sulat kay Senior Associate Justice Antonio Carpio araw ng Huwebes, sinabi ni Gadon na nirerespeto niya ang utos ng korte.

Napag-alaman niya lamang umano ang suspensyon mula mga miyembro ng media na nanghingi ng kanyang komento at hindi siya nakatanggap ng official court notice.

Ayon kay Gadon, pagsisilbihan niya ang 3-month suspension mula October 24, 2019 hanggang January 25, 2020.

Gagamitin niya anyang bentahe ang paparating na holiday season lalo’t wala naman masyadong trabaho sa ganitong panahon.

Humingi ng paumanhin ang abugado sa Korte Suprema sa anumang nagawa niya na nagresulta sa suspensyon.

Ipinag-utos ng korte ang suspensyon kay Gadon noon pang Hunyo dahil sa bastos na pananalita laban sa isang abugado at kliyente nito noong 2009.

Naging kontrobersyal si Gadon kamakailan matapos sigawan ng ‘bobo’ at taasan ng dirty finger ang mga taga-suporta ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Baguio City.

 

Read more...