Water interruptions kailangan para maiwasan ang krisis sa tubig sa 2020

Nagpaliwanag ang National Water Resources Board (NWRB) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kaugnay ng muling pagpapatupad ng water interruptions ng Maynilad at Manila Water.

Ayon kay NWRD executive director Sevillo David Jr., kailangang magkaroon muli ng water interruptions para hindi magkaroon ng krisis sa tubig sa susunod na taon.

Dapat anyang ipatupad ang mas mahabang oras ng water service interruptions sa mas maraming lugar sa susunod na mga buwan para maiwasan ang water crisis sa panahon ng tagtuyot sa 2020.

Sinabi naman ni MWSS administrator Emmanuel Salamat na hindi pa masasabing mayroong krisis sa tubig pero kailangan itong paghandaan.

Ang water interruptions anya ay bahagi ng hakbang para matiyak na may sapat na supply ng tubig sa susunod na taon.

Sinabi rin ni Salamat na kailangang magkaroon ng ibang pagkukunan ng tubig, dahilan kaya anya minamadali ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Quezon na inasahang magbibigay ng 600 million liters ng tubig kada araw sa Metro Manila.

 

Read more...