Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, ebidensya ito na ramdam ang mga programang ipinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang kahirapan.
Sa pinakahuling survey ng SWS, nasa 9.1 percent na lamang ang nakararanas ng involuntary hunger sa huling tatlong buwan, mas mababa sa 10 percent sa naitala noong Hunyo.
Ayon kay Andanar, maaaring maliit na bagay para sa iba ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga nagugutom pero para sa palasyo malaking bagay na ito dahil nangangahulugan ito na 200,000 pamilyang Filipino ang nalamnan ang sikmura.
Tiniyak pa ni Andanar na pag-iigihan pa ng administrasyon ang pagtugon sa kahirapan sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad mga programa gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Free Education Act at Universal Health Care Act.
Pinagsisikapan din aniya ng pamahalaan ang pagbibigay ng dagdag trabaho sa mga Pinoy gaya ng Government Internship Program at JobStart, pati na ang pagbibigay prayoridad sa agriculture and aquaculture sector, Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at mga proyektong pang-imprastraktura.