Para maibsan ang kanilang pagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang mga asawang sundalo ay sumanib na rin sa militar ang ilan sa mga balo ng mga namatay na miyembro ng Philippine Army sa Marawi siege.
Sa inilabas na balita ng Armed Forces of the Philippines, miyembro na ng militar sina Private Grace P. Allaga, asawa ni dating Corporal Ardnie R. Allaga mula sa 10th Infantry Battalion; Private Merzie G. Rogador, misis ni Private First Class Eldon C. Rogador, mula sa 51st IB; at Private Christine Mary E. Montero, na misis naman ni Corporal Marjone G. Montero, mula sa 51st IB.
Sila ay sumali sa AFP sa pamamagitan ng special enlistment sa 1st Infantry Division ng Philippine Army.
Sila ay kabilang sa 649 na bagong commissioned Privates sa 1st at 11th Infantry Divisions, ganun rin sa 55th Engineering Brigade na nagtapos ng four-month candidate soldier course noong Miyerkules sa Labangan, Zamboanga del Sur.
Magugunita na umabot sa halos ay 1,000 katao ang namatay makaraang sakupin ng Maute at ISIS ang Marawi City noong 2017.
Bukod sa mga terorista ay kabilang rin sa mga namatay ang ilang tropa ng pamahalaan at mga sibilyan.