Sinibak sa pwesto ang isang precinct commander sa Pasay City matapos mahuli ang dalawang tauhan nito dahil sa pangingikil.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Debold Sinas na nahuling tumanggap umano ng pera ang dalawang pulis sa isang bus operator sa ikinasang entrapment operation sa bahagi ng Malibay.
Nakilala ang sinibak na si Capt. Mark Oyad, commander ng Pasay City Police Community Precinct 7 habang ang dalawang naaresto pulis ay sina Cpl. Reynald Pallangeo Macwes at Cpl. Jimuel Ilagan Bernal.
Ani Sinas, nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng pangongotong umano nina Macwes at Bernal ng P500 hanggang P1,000 sa kada biyahe ng mga bus at van operator.
Ipinatawag pa aniya ni Oyad ang bus operator noong September 28 na sinabing magiging sarado na sa P1,000 ang daily collection sa kada biyahe ng mga bus at van.
Hindi pumayag ang nagreklamo ngunit nagbanta umano si Oyad na huhulihin ang nagreklamo sa kasong may kinalaman sa droga kung hindi susunod sa bagong panukala.
Dito na nagreklamo ang bus operator sa mga otoridad dahilan ng pagsasagawa ng surveillance ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Intelligence Group (IG) sa mga suspek.
Patuloy pa naman ang imbestigasyon laban kay Oyad.