Sen. Imee Marcos sinabing dapat papanagutin ang Maynilad at Manila Water sa rotational service interruption

Sinabi ni Senator Imee Marcos na dapat pinaghahandaan ng Maynilad at Manila Water ang krisis sa tubig para hindi naapektuhan ang mga konsyumer.

Pahayag ito ni Marcos sa anunsiyo ng dalawang water concessionaires sa ipapatupad nilang rotational service interruptions simula ngayon araw.

Ayon sa senadora mas mahihirapan ang mga mahihirap at mga maliliit na negosyo tulad ng karinderya dahil sa aberya sa suplay ng tubig.

Paalala pa ni Marcos na minsan nang napagsabihan ni Pangulong Duterte ang mga water concessionaires dahil sa mga kapalpakan sa serbisyo.

Nagbanta pa ang Pangulong Duterte na tatapusin ang kasunduan sa dalawang water distributors kapag hindi inaksiyonan ang krisis sa tubig nitong nakalipas na panahon ng tag init.

Banggit pa ni Marcos na binabalak niya na ihirit sa Senado na maimbestigahan ang concession agreements ng Maynilad at Manila Water.

Tinatayang 15 milyon kustomer sa Metro Manila, Rizal, Cavite at Bulacan ang apektado sa aberya sa suplay ng tubig.

Read more...