Limitasyon sa bilang ng mga turista sa Boracay pinababantayan ni Sen. Nancy Binay

Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa mga darating na buwan, nanawagan si Senator Nancy Binay sa Boracay Inter-Agency Task Force na tutukan ang kapasidad ng isla.

Kasabay nito, humingi si Binay ng update ng pagpapatupad ng mga polisiya na itinakda matapos ang rehabilitasyon sa isla.

Nais din malaman ng senadora ang mga rekomendasyon ng task force at resulta ng kanilang pag-oobserba sa pagpapatupad ng mga polisiya lalo na sa pagpasok ng ‘peak season.’

Magugunita nang muling buksan ang Boracay matapos ang anim na buwan na rehabilitasyon, nilimitahan sa 19,000 ang bilang ng mga turista kada araw at 15,000 naman para sa mga manggagawa para sa 55,000 carrying capacity ng isla kasama na ang mga residente.

Kinamusta din ni Binay ang pagsunod ng mga establismento sa mga environmental laws. Kasama na ang 30 meter easement mula sa dagat.

Read more...