Mga kapitan ng barangay na mapapatunayang bigong magsagawa ng clearing operations sususpindihin ayon kay Mayor Isko Moreno

Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Maynila na tatalima sila anuman ang maging kautusan ng DILG sa sinasabing 99 na Bgy. Chairman sa Lungsod na nabigong makasunod sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang mga obstruction sa mga kalsadang kanilang nasasakupan.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, isasalang nila ang kaso ng mga ito sa pagdining ng konseho ng Maynila at kung mapatutunayan na may pagkakasala ang mga ito ay papatawan nila ng kaululang suspensyon.

Sinabi ni Moreno na bibigyan pa rin naman ng due process ang mga barangay chairman na sablay sa kanilang trabaho pero siniguro nito na tutuparin nila ang magiging rekomendasyon ng DILG.

Itinanggi rin ng alkalde na pinupulitika lamang ang 99 na Bgy. Chairman na tinukoy ng DILG.

Una nang sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino na maaring masibak sa trabaho ang mga Bgy. Chairman na ito kung mapatutunayang may kumpas nila ang pagkakaroon ng illegal parking at mga illegal vendors sa kanilang nasasakupan.

Padadalhan anya ng show cause orders ang mga ito at bibigyan ng limang araw para magsumite ng kanilang mga sagot at paliwanag at kung talagang mabibigo na kumbinsihin ang DILG kung bakit hindi nakasunod sa utos ng pangulo ay agad nilang irerekomenda sa city council na patawan ang mga ito ng suspensyon.

Kamakailan, nagkaloob ang DILG ng tinatawag na Seal of Good Governance sa 380 Local Government Units na binubuo ng 17 probinsiya, 57 lungsod at 306 na munisipalidad pero hindi kasama sa mga nabigyan ng ganitong pagkilala ang City of Manila.

Read more...