5 arestado sa shabu at marijuana sa magkahiwalay na operasyon sa QC

File photos

Arestado ang limang drug suspects matapos mahulihan ng marijuana at shabu sa magkahiwalay na buy bust operations sa Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Matapos bumili ng P2,000 halaga ng marijuana ay agad na inaresto ang suspek na nakilala lamang sa alyas John sa kanto ng Aurora Boulevard at Anonas.

Nakuha sa suspek ang 4 na piraso ng nakabilot na marijuana, buy bust money at cellphone na ginagamit umano nito sa transaksyon.

Samantala, tatlo ang inaresto sa operasyon sa Barangay Old Balara kung saan target si alyas Jun.

Nakabili ang poseur-buyer ng P200 halaga ng shabu sa suspek na may kasamang dalawang iba pa.

Ayon sa Batasan Police, parokyano ng mga suspek ang mga tricycle at jeepney drivers sa lugar.

Aminado ang suspek sa iligal na gawain sa katwiran na wala umano itong pambili ng gatas ng anak.

Balik-kulungan naman ang isang construction worker na dalawang beses nang naaresto dahil sa droga.

Nakuha sa suspek ang 4 na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P11,500.

Una na itong naaresto sa Payatas noong 2017 at sa Montalban noong nakaraang taon.

Aminado naman ang construction worker na sa kanya ang droga.

 

Read more...