Nakatanggap ng death threat ang isang aktibistang doktor matapos itong sumama sa rally para taasan ang pondo ng Philippine General Hospital (PGH).
Kinondena ng grupong All UP Academic Employees Union-Manila (AUPAEU-Manila) ang natanggap ng kanilang presidente na si Dr. Gene Nisperos na banta sa text message na nagsabing alam ng mga nananakot ang kanyang bahay.
Sinabihan umano ang doktor na papatayin ito at kanyang pamilya.
“Alam ko ang condo mo. (I know where your condominium is.) We will get your family one by one… You are dead by… including your children and wife,” nakasaad sa text message.
Binantaan si Dr. Nisperos makalipas itong sumali sa protesta sa PGH lobby noong Lunes kung saan hiniling ng mga raliyista ang P10 bilyong pondo para sa ospital.
Ayon sa grupo, ang death threat sa doktor ay pag-atake sa mga guro, aktibista at miyembro ng unyon.
Nanawagan ang grupo na matigil na ang banta, harassment at lahat ng uri ng anila ay “state-sponsored violence.”