Sa sidelines ng National Price Coordinating Council (NPCC) meeting araw ng Miyerkules, sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez na may nagbebenta ng manok ng P190 kada kilo.
Ito ay kahit dapat nasa P170 hanggang P180 kada kilo lang ang presyo ng manok dahil ang farmgate price ay nasa P110 per kilo lang.
Dahil dito, pinayuhan ni Lopez ang mga mamimili na isumbong sa DTI at Department of Agriculture (DA) ang mga tindero na nagbebenta nang mas mahal sa manok.
Samantala, sinabi ni Lopez na kailangan ng aktibong papel ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para gawing mas ‘steady’ ang presyo ng manok.
“Active naman sila, nag-issue sila ng memo circular, but we need the cooperation ng mga market masters, mga LGUs, kasi mga local government mayors sa kanila nagre-report itong market masters na in a way may influence sa presyuhan sa bawat retailer sa palengke,” ani Lopez.
Nagpaliwanag naman ang DA sa mas mataas ng presyo ng manok.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzales, mas mataas ang presyo ng manok ngayon dahil sa mataas na demand dulot ng pag-iwas ng mga konsumer sa pagbili ng baboy dahil sa takot sa African Swine Fever (ASF).
Tiniyak naman ni Gonzales na sapat ang suplay ng manok sa merkado para sa Kapaskuhan kaya’t iminungkahi itong isama sa mga pinapatawan ng suggested retail price (SRP).