Duterte tuloy sa pagganap sa kanyang mga trabaho ayon kay Sen. Bong Go

Kahit may iniindang sakit sa katawan tuloy pa rin ang pagtatrabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Katunayan, sinabi ni Senador Christopher Bong Go na haharapin bukas ni Pangulong Duterte si Chinese Vice Premier Hu Chunhua.

Hindi naman tinukoy ni Go kung sa Malacanang o sa Davao City magaganap ang pagpupulong bukas nina Duterte at Hu.

Nasa bansa si Hu para sa isang official visit kung saan isusulong nito ang trade relations, investment, tourism at agrikultura ng dalawang bansa.

Base sa MRI result ng pangulo, nakararanas ito ng muscle spasm at pinayuhan na magpahinga muna.

Samantala, sinabi ni Go na tuloy din ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa Association of Southeast Asian Nation (Asean) Summit na gaganapin sa November 2 hanggang 4 sa Thailand.

Ayon kay Go, tiyak na mapapasabak na naman sa matinding trabaho si Pangulong Duterte dahil bugbugan ang trabaho sa Asean summit.

Karaniwan aniyang nagsisimula ang pagpupulong ng Asean leaders sa umaga at natatapos ng gabi.

“Ako na po ang tumitiyak sa inyo na wala kayong dapat ipag-alala at kailangan lang ng konting pahinga ng pangulo”, ayon pa kay Go.

Read more...