May napili nang bagong Chief Justice si Pangulong Rodrigo Duterte sa katauhan ni Senior Associate Justice Diosdado Peralta.
Ito ang kinukumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ngayong araw na ito lamang pinirmahan ng pangulo ang appointment ni Peralta ayon pa sa kalihim.
Hahalili si Peralta sa nabakanteng pwesto ni Chief Justice Lucas Bersamin na nagretiro noong October 18.
Si Peralta ang pinaka senior sa tatlong kandidato na inindorso ng Judicial and Bar Council kay Pangulong Duterte.
Ang dalawnag naging katunggali ni Peralta ay sina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe at Andres Reyes Jr.
Ang 67-anyos na si Peralta ay nagtapos ng abogasya sa University of Santo Tomas Faculty of Civil Law noong 1979.
Ang bagong Chief Justice ay naging assistant city prosecutor sa Laoag City at Maynila.
Noong September 22, 1994, siya ay itinalagang judge sa Regional Trial Court, Branch 95 sa Quezon City kung saan ay tumutok siya sa Special Criminal Court on Heinous Crimes and, Drugs Cases.
Noong 2002 ay itinalaga naman siya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Sandiganbayan kung saan ay kabilang siya sa mga duminig sa plunder case ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Makalipas ang ilang taon ay itinalaga naman siya ni Arroyo bilang associate justice sa Supreme Court.
Ang bagong Chief Justice ay kasal kay Justice Fernanda Lampas-Peralta ng Court of Appeals.