Ayon kay Castro, noong nakaraang Kongreso pa niya pinaiimbestigahan ang mga isyu sa implementasyon ng K to 12 program kabilang na ang underfunding para sa mga pangangailangan para sa basic education.
Katuwiran ng kongresista, galing rin ang mga impormasyong ito sa mismong mga guro at iba pang school personnel, mga magulang at mga estudyante.
Iginiit nito na nagdagdag lang ng taon sa basic education sa ilalim ng batas pero hindi naman tinugunan ang dati ng mga problema sa sektor ng edukasyon.
Gayundin, hindi naman anya nalunasan ng K to 12 program ang unemployment.
Binigyang diin ni Castro na kung ang college graduates nga ay hirap na makahanap ng trabaho na may desenteng sahod, paano pa kaya ang Grade 12 graduates.