“Ano ang mahalaga vs ano ang pinag-uusapan” sa OFF CAM ni ARLYN DELA CRUZ – BERNAL

Walang duda na ang Barretto sisters ang nasa gitna ng mga balita ngayon. Sila ang usap-usapan kahit saan. Sila ang trending.

Sinabi kong kahit saan dahil pati sa clinic ng aking neurologist, ‘yun ang paksa ng mga naghihintay na pasyenteng tulad ko. Recovering ako from stroke na nangyari noong June 28.

Pontine stroke ang nangyari sa akin. Anyways, check-up ko kahapon at ang Barretto sister’s real life drama ang topic.

Ang hirap ng nasa media at nandun yung tanong na ano ba ang latest? May update daw ba akong nahagilap? Una, ang sagot ko ay anumang update o latest na nakuha ko, nasa social media na at mula mismo sa IG accounts ng magkakapatid na Barretto. Abang-abang lang ang peg may maisusulat na tungkol sa away nila.

Isang pasyente na scheduled for check-up din ang nagtanong, “Bakit kasi ibinabalita ng media? Mas mahalaga ba iyon kaysa sa ibang balita?” Ang tanong obviously ay para sa media na kaharap niya noong mga sandaling iyon.

Ang sagot ko, kasi bilang mga celebrity at public figures na maituturing, kabali-balita sila. Bakit daw sa TV Patrol ibinabalita? Ang sagot ko, halos lahat nagbabalita, nataon na sa TV Patrol ka nakatutok. Ibalita man, nasa entertainment segment naman, o kung paglaanan man ng mas mahabang oras, pasya na iyon ng News Management ng istasyon o ng ibang istasyon for that matter.

If you are going for the ratings, you would grab the opportunity of a juicy interview. Exclusive pa. This is not in defense of media where I belong. It is just the nature of the industry.

Hindi lang Barretto sisters ang factor to consider sa balitang ito. Nangyari ang alitan at pisikalan sa harapan ng pangulo ng Republika ng Pilipinas. If that is not newsworthy enough, mapapaigtad ka talaga.

Sinusubaybayan ng tao sa madaling salita. Hindi ginawa ng media ang usapin. Ang mga Barretto sisters ang naghain sa publiko. Parang isang piging ang nangyari at ang media ang nagsilbing event manager.

Totoo na hindi ito kasing halaga ng ibang mga balita. Ibinabalita din ang mga mas mahahalagang mga pangyayari. Ang kaibahan nga lang, hindi ito nakatatanggap ng kasing lawak na atensiyon ng publiko kahit pa tungkol na ito sa kanilang kalagayan.

Ang media, dalawang bagay yan. Magbabalita ng sa pananaw nila ay mas mahalagang usapin o isyu o magbabalita ng isyu na sa tingin nila ay mas interesado ang publiko o mas nakararami.

Paano matatapos ang balita?

Ang bawat istorya o kuwento, may puno’t dulo, may konklusyon.

Maghahanap at maghahanap ng konklusyon. Mas mahalaga ba iyon? Mahalaga sa punto ng mga sumusubaybay.

At madami iyon, kabilang na marahil ang nagtanong sa akin kung bakit ibinabalita iyon ng media.

Matagal pa ang kuwento. Pakiramdam ko nga, nasa bungad pa lang sila.

Read more...