Senado may necrological service para kay Ex-SP Pimentel

(Story updated/corrected) Dadalhin sa Senado Miyerkules ng umaga ang mga labi ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.

Magugunitang pumanaw ang dating senador noong Linggo dahil sa sakit na lymphoma.

Alas-10:00 ng umaga isasagawa ang necrological service na inaasahang dadaluhan ng mga dati at kasalukuyang miyembro ng Senado.

Sasalubungin nina Senate President Vicente Sotto III, Senate Secretary Myra Villarica, Sergeant-at-Arms Rene Samonte, at iba pang empleyado ang mga labi ni Pimentel sa main entrance ng Senate building.

Magbibigay ng kanilang eulogy sina Senator Pia Cayetano, mga dating Senador Heherson Alvarez, Anna Dominique Coseteng, at Jose Lina, Jr.

Isang resolusyon na nagpapahayag sa simpatya at pakikiramay ng kapulungan ang iprepresenta sa pamilya Pimentel.

Inaasahang si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang tatanggap ng resoluyon at magbibigay tugon sa eulogy.

Susundan ito ng public viewing.

Simula nang pumanaw si Pimentel ay naka-half-mast ang Philippine flag sa Senado.

Matapos ang necrological service sa Senado ay ililipad ang mga labi ni Pimentel sa Cagayan de Oro City.

 

Read more...