Ayon kay Pentagon spokesman Peter Cook, nasa bahagi ng Kuwait at Bahrain ang dalawang maliliit na Navy craft nang mawalan sila ng contact dito.
Sinabi ni Cook na unang napaulat na nagkaroon ng mechanical trouble ang isa sa mga navy boats dahilan para ito ay sumadsad sa karagatang sakop ng Farsi Island.
Ayon kay Cook, nakipag-ugnayan na sila sa pamahalaan ng Iran upang matiyak na maibabalik ng ligtas ang mga crew. “We have been in contact with Iran and have received assurances that the crew and the vessels will be returned promptly,” ayon kay Cook.
Samantala, sinabi ni US Deputy national security adviser Ben Rhodes, ginagawa na nila ang lahat para maresolba ng payapa ang sitwasyon.
Tiniyak naman aniya ng Iranian authorities na agad ibabalik ang mga US navy personnel na nasa kanilang kostodiya.
Sa ulat naman mula sa isang news agency sa Iran, ilegal umanong pinasok ng dalawang US boats ang territorial waters ng Iran.
Dahil dito, kinumpiska ng Islamic Revolutionary Guards Navy ang GPS equipment ng dalawang US navy boats.