Duterte pumuntang Japan para sa pagluluklok kay Emperor Naruhito

Tumungo na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan para dumalo sa enthronement ceremony o pagluluklok kay Emperor Naruhito.

Umalis sa Davao City ang eroplano ng pangulo alas 6:36 Lunes ng gabi para sa pagbisita sa Japan sa Martes, October 22 hanggang Miyerkules, October 23.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tama lamang na bigyang parangal ang Japan sa pamamagitan ng pagdalo ng pangulo sa naturang seremonya na ikinukunsidera ng mga Japanese na isa sa mga importanteng pangyayari sa kanilang bansa.

Itinuturing anya ng administrasyong Duterte ang Japan na “special strategic partner” sa iba’t ibang larangan at pinapahalagahan ang diplomatikon ugnayan ng dalawang bansa.

Nakatakdang makipag-usap si Pangulong Duterte kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Dadalo rin ang pangulo sa ilang piging para ipagdiwang ang pagluluklok kay Emperor Naruhito.

Sa inilabas na impormasyon ng Malakanyang, kasama sa delegasyon ng pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte, Panelo, Senator Bong Go, Philippine Ambassador to Japan Jose C. Laurel V, Special Envoy to Japan for Trade and Market Access Feliciano Belmonte Jr., at Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs Robert E.A. Borje.

 

Read more...