Hindi na katiwa-tiwala para sa grupong Exodus for Justice and Peace (EJP) ang administrasyong Aquino at ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP).
Mariing binatikos ng EJP ang umano’y kwestyonable at maling paggamit ng P662 milyon sa pondong nakalaan para sa peace process, batay na rin sa inilabas na report ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay EJP convener Rev. Jurie Jaime, kasama sa kuwestiyunableng paggasta ng pondo ng OPPAP ay ang naiulat na pekeng attendance sheets para sa mag seminars.
Dahil sa anomalyang ito, lumalabas na pakitang tao lamang o palabas lang ang kunwari umanong pagsusulong ng pamahalaan sa peace process.
Dumepensa naman si OPPAP executive director Undersecretary Luisito Montalbo, at iginiit na “misleading” umano ang nakasaad sa report ng COA na nagsasabing nag-overspend ang OPAPP o hindi nito maipaliwanag ang paggamit ng nasa P662 milyong halaga ng pondo.
Nakasaad din sa report na lumampas ng P36 milyon ang gastos nila sa pag-arkila ng mga sasakyan, o 469 percent na mas mataas kumpara sa alokasyon sa kanila para sa ganoong serbisyo.
Sagot naman ni Montalbo kaugnay dito, hindi naman idineklarang disallowance ng COA ang nasabing mga pag-arkila ng sasakyan.
Giit ni Jaime, ang mismong malaking gastos pa lamang sa sasakyan ay nagpapakita na ng panloloko sa publiko at sa panawagan ng mamamayan para sa kapayapaan at hustisya sa bansa.
Sinisi rin ni Jaime ang OPAPP sa hindi nito pagtuon ng pansin sa mga political detainees na matagal nang nakapiit sa kulungan dahil pinaghihinalaan silang kasapi ng New People’s Army.