Cheer dance ng UP Visayas na “Kill this President” maaring biro lang ayon sa Malakanyang

Ipinagkibit-balikat lamang ng Malakanyang ang viral video ngayon ng mga estudyante sa University of the Philippines Visayas na nagsasabing “Kill this President.”

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaaring nagbibiro lamang ang mga estudyante sa UP.

Malayang bansa aniya ang Pilipinas at maaaring maghayag ang sinuman ng kani kanilang saloobin.

Sinabi pa ni Panelo na maging si presidente ay palaging nagbibiro na patayin ang mga adik sa Pilipinas.

Maari aniyang ginagaya lamang ng mga estudyante si Pangulong Duterte.

Kasabay nito, wala namang balak ang palasyo ng malakanyang na sawayin ang mga taga suporta ni Pangulong Duterte na “Duterte Diehard Supporters” o mga ka-DDS na huwag pagbantaan o i-harass ang mga estudyante ng UP Visayas.

Ayon kay Panelo, natural na reaksyon lamang ito ng mga ka-DDS lalo’t malayang bansa ang Pilipinas.

“But as you said obviously they were joking. It’s a free country; they can dish out jokes, criticism. Eh si Presidente rin di ba nagsabi siya na nag-kill. Baka ginagaya lang nila si Presidente. Syempre natural lang iyon na mag-react syempre; kasi syempre ang dating sa kanila baka hindi sila nagbibiro, baka kunwari nagbibiro pero talagang binabanatan nila si Presidente. That’s very natural reaction for supporters of the President. It’s a free country; as I said, they can react too.”, ani Panelo.

Read more...