Mula Linggo ng hapon hanggang Lunes ng madaling-araw ay nakapagtatala pa rin ng malalakas na aftershocks sa Mindanao kasunod ng magnitude 6.3 na lindol noong Miyerkules.
Mula ala-1:25 ng Linggo ng hapon hanggang alas-3:00 Lunes ng madaling-araw ilan sa mga aftershocks na naitala ng Phivolcs ay may lakas na magnitude 3.8 hanggang magnitude 4.9.
Alas-7:50 kagabi, tumama ang magnitude 4.8 na lindol sa layong 20 kilometro Timog-Silangan ng Tulunan, Cotabato.
May lalim ang pagyanig na 15 kilometro.
Muling naramdaman ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao kung saan pinakamalakas na naramdaman ay Intensity IV.
Matapos lamang ang siyam na minuto o alas-7:59 ng gabi, tumama naman ang mas malakas na magnitude 4.9 na lindol sa layong 26 kilometro Timog-Silangan pa rin ng Tulunan.
May lalim ang pagyanig na 11 kilometro.
Naramdaman pa rin ang pagyanig sa mga bahagi ng Mindanao at naitala ang lakas na Intensity IV.
Sa klasipikasyon ng Phivolcs, ang Intensity IV na pagyanig ay ‘moderately strong’ kung saan ang vibration ay kahalintulad ng dumaraang heavy truck.
Alas-8:20 ay naitala ang magnitude 4.3 na aftershock at ang huling may kalakasan ay ang magnitude 3.7 aftershocks na naitala alas-2:32 Lunes ng madaling araw.