Payag ang Department of Trade and Industry sa panukalang bigyan ng tax exemptions ang pagpasok sa bansa ng mga spare parts ng mga eroplano.
Nauna nang ipinanukala ng Lufthansa Technik Philippines (LTP) ang nasabing tax exemptions na ipapaloob sa the proposed Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (Citira).
Laman ng nasabing proposed tax package na ang mga imported raw materials ay mananatiling exempted sa import duties at value-added tax.
Sa kanilang pahayag ay inihirit ng LTP na dapat ay bahagi rin ng nasabing batas ang tax exemptions sa mga spare parts dahil sa kahalagahan nito sa tinatawag na aircraft maintenance, repair and overhaul (MRO).
Nilinaw ni LTP president at CEO Elmar Lutter na masyadong mabigat ang mga ipinapataw na buwis sa kanilang sektor at kapag nanatuli ito ay malamang na isara na nila ang kanilang operasyon sa bansa dahil sa matinding gastos.
Ayon pa kay Lutter, “We cannot accept, though, to make free-trade-zone provisions time-bound, because the business model depends on them perpetually and the international competition is operating like that all over the world”.
“That has to be no tax right from the start because they export. The spare parts there is like a raw material,” paliwanag naman ni Trade Secretary Ramon Lopez.
Sinabi rin ni Lopez na sa bagong binubuong bersyon ng Citira ay kailangang malinaw na maisulat sa probisyon nito na ang aircraft spare parts ay dapat maisama sa MRO industry.
Layunin ng Citira na unti-unting maibaba ang corporate income tax dahil ang Pilipinas ang may pinakamataas nito sa buong Southeast Asia.
Ang LTP ay may kabuuang 3,200 na mga Pinoy employees na binubuo ng mga qualified aviation professionals.
Dalawang dekada na ang operasyon ng LTP sa bansa.