Pansamantalang itinigil ng mga otoridad sa Mexico paghahanap sa anak ng nakakulong na drug lord an si Joaquin “El Chapo” Guzman.
Ito ay makaraan ang madugong barilan sa pagitan ng Mexican forces at mga tauhan ni Guzman.
Aminado ang mga otoridad na walo sa kanilang hanay ang patay sa unang bugso pa lamang ng barilan dahil pawang mga military-grade rifle ang gamit ng mga tauhan ng nasabing drug lord.
Noong isang araw ay nagmistulang war zone ang lungsod ng Culiacan, sa Sinaloa State makaraang lumusob ang mga tauhan ng pulisya sa bahay ni Ovidio Guzmán López.
Bigo silang maaresto ang tumatayong lider ngayon ng illegal drug cartel sa Sinaloa makaraan silang salubungin ng matinding putok ng mga baril.
Umabot pa sa ilang bahagi ng Sinaloa ang tensyon makaraang lusubin ng mga tauhan ni Guzman ang ilang mga bahay at sunugin ang mga ito.
Inulan naman ng batikos ang liderato ni Mexican President Andrés Manuel López Obrador na nauna nang nagsabi na idaan sa pag-uusap ang problema sa iligal na droga sa Mexico.
Nauna nang sinabi ni Obrador na ayaw niyang maging malaking sementeryo ang kanyang bansa kaya ipinatigil niya ang malalaking anti-drug operations sa Mexico.
“The capture of one criminal cannot be worth more than the lives of people. They made the decision and I supported it…We do not want deaths. We do not want war,” pahayag pa ni Obrador.