Abogado ni Marcos pinaalalahanan ang kampo ni Robredo na ibinasura ng SC ang draft ruling sa poll protest

Inquirer photo

Pinaalalahana ng abogado ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kampo ni Vice President Leni Robredo na ibinasura ng Korte Suprema ang draft decision na ibasura ang kanyang electoral protest.

Tinutukoy ni Atty. Vic Rodriguez ang draft ruling ni Associate Justice Benjamin Caguioa.

Ayon sa kampo ni Marcos, ibinasura ng Supreme Court ang dissenting opinion ni Caguioa na ginagamit ng kampo ni Robredo na basehan.

Pinababasura ng mahistrado ang electoral protest ng dating senador dahil sa umanoy kawalan ng “substantial recovery” sa pilot provinces kung saan nagkaroon ng recount.

Pero ayon sa kampo ni Marcos, inutos ng SC na magpatuloy ang election protest at pinagkokomento at pinagsusumite ng memoranda ang dalawang panig.

“Precisely why the majority of the Tribunal by a very decisive 11-2 vote emphatically junked that Caguioa minority opinion favoring Mrs. Leni Robredo finding the figures presented before them to be outrageous and ordered the election protest to proceed with the parties to file their Comment and Memoranda,” ani Rodriguez.

Pahayag ito ng abogado ng dating mambabatas kasunod ng ibinunyag ng kampo ni Robredo na tumaas pa ng 15,000 ang boto nito batay sa inisyal na resulta ng recount.

Pero ayon kay Rodriguez, ang maagang pagdiriwang at pag-angkin ng panalo ni Robredo ay “advance information” lamang.

“It only confirmed our suspicion that Mrs. Robredo’s premature celebration and claim of another fake victory in the Tribunal was a product of advance information she’s been receiving all along through a highly placed deep throat,” dagdag ng abogado ni Marcos.

Una nang sinabi ni Rodriguez na hindi nila alam kung saan kinuha ng kampo ni Robredo ang impormasyon na 5,000 boto lamang ang narekober ni Marcos.

Kaya anya sila tahimik ukol sa electoral protest ay dahil ayaw nilang magsalita base sa tinawag nitong “appropriated documents.”

 

Read more...