Aabot sa 40 paaralan ang napinsala ng magnitude 6.3 na lindol na tumama sa North Cotabato noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Department of Education (DepEd), base sa situation report ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ang Sarangani ang nagtamo ng matinding pinsala at 17 paaralan doon ang nasira.
Sa Cotabato City naman ay 11 eskwelahan ang napinsala ng pagyanig.
Apat na eskwelahan ang nasira ng lindol sa Koronadal City, tatlo sa Kidapawan City, dalawa sa Digos City, at tig-iisa sa Davao del Sur, North Cotabato at South Cotabato.
Ayon sa DepEd, umabot sa 3,873 na paaralan ang nagsuspinde ng klase at 17 divisions ang naapektuhan.
Tiniyak naman ng DepEd na agad tutulungan ang mga naapektuhang pasilidad para mapabilis ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.