DepEd, iniimbestigahan na ang pamamaril sa dalawang guro sa Bukidnon

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa insidente ng pamamaril sa dalawang guro sa Valencia, Bukidnon.

Binaril ang gurong si Zhydee Cabañelez at kaniyang asawa na si Ramil sa loob ng silid-aralan sa Dalit Elementary School noong October 15.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na ipinag-utos na ni Education Secretary Leonor Briones sa DepEd Regional office 10 at Schools Division Office ng Valencia City ang pag-iimbestiga sa kaso.

Pinagsusumite ang mga ito ng kumpletong incident report at bumuo ng investigation reports ukol sa pag-atake.

Nangako rin ang mga lider ng barangay na magtatalaga ng civilian volunteers organization para matiyak ang seguridad sa paaralan.

Sasamahin din nito ang mga guro papunta at pauwi ng eskwelahan hanggang Pulangi River.

Sinabi pa ng kagawaran na mariin nilang kinokondena ang pag-atake.

Tiniyak naman ng DepEd na patuloy silang tututok sa kaligtasan ng mga paaralan, guro at estudyante.

Read more...