Posibleng maging low pressura area (LPA) na lamang ang Tropical Depression Perla sa darating na Linggo, ayon sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang bagyo sa layong 840 kilometers Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan bandang 3:00 ng hapon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Wala pa rin aniya itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.
Umiiral pa rin ang northeasterly surface windflow sa malaking bahagi ng Luzon na magdadala na mahina na pag-ulan sa extreme Northern Luzon partikular sa Batanes at Babuyan Group of Islands.
Intertropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang umiiral sa Palawan, Visayas at ilang parte ng Mindanao.
Ani Clauren, posibleng magtaas ng tropical cyclone wind signal sa araw ng Sabado sa paglapit ng bagyo sa Batanes.