Dismayado si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa akusasyon ni Senador Richard Gordon na mistulang lawyering na ang ginagawa kay dating PNP chief Oscar Albayalde nang ihayag sa publiko na hindi tatayo sa korte at pawing hearsay ang akusasayon ni dating CIDG chief Benjamin Magalong na sangkot sa operasyon ng illegal na droga ang dating pinuno ng pambansang pulisya.
Ayon kay Panelo, malinaw ang kanyang pahayag na personal na opinyon lamang bilang isang abogado at bahagi ng freedom of speech na karapatan ng bawat Filipino.
Sinabi pa ni Panelo na hindi dapat na tingnan ni Gordon ang kanyang pahayag bilang pangbabastos sa senate blue ribbon committee.
Malinaw aniya ang kanyang pahayag sa harap ng national television na mandato ng senado na na kapag may imbestigasyon ay hanapin ang katotohanan sa bawat kontrobersiya na bumabalot sa lipunan.
Dapat din aniyang igalang ng senado ang mga iniimbitahang resource person bilang bahagi ng due process.
Una nang sinabi ni Panelo na mahina ang mga akusasyon ni Magalong laban kay Albayalde dahil hearsay lamang ito.
Sinabi pa ni Panelo na hindi rin dapat na manghusga ang mga senador sa mga resource person kung guilty na ito o hindi at lalong hindi dapat na sabihin kung mabigat o hindi ang mga ebidensya.