Inihayag ng PAGASA na posibleng humina ang Tropical Depression Perla at magiging isang low pressure area (LPA) sa weekend.
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,005 kilometers Silangang bahagi ng Tuguegarao City bandang 3:00 ng hapon.
Taglay nito ang lahat ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Kanluran Hilagang Kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Hindi pa aniya direktang nakakaapekto ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa.
Mayroon aniyang northeasterly surface windflow sa bahagi ng Luzon habang Intertropical Covergence Zone (ITCZ) naman ang umiiral sa bahagi ng Mindanao region.
Sa susunod na dalawang araw, mananatili aniya bilang tropical depression ang sama ng panahon.
Hindi naman inialis ni Estareja ang posibilidad na makaranas pa rin ng moderate to heavy rainshowers sa parte ng Batanes, Cagayan provinces, Northern Luzon at Metro Manila.