FDA, LTFRB, LRA nangunguna sa listahan ng pinakamaraming red tape

Ibinunyag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na ang Food and Drug Administration (FDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Registration Authority (LRA) ang nangunguna sa listahan na pinaka-problematic o talamak ang red tape.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni ARTA director general Atty. Jeremiah Belgica na ang tatlong ahensiya ang pinakalaganap ang korapsyon.

Base aniya ito sa 100 unang araw na trabaho ng ARTA.

Paliwanag ni Belgica, binigyan ng ARTA nang sapat na panahon ang tatlong ahensiya na ayusin ang kanilang sistema, subalit hanggang ngayon aniya ay bigo ang mga ito.

Sinabi ni Belgica na sa kaso ng FDA, inabutan nilang tambak ang mga dokumentong nakatengga rito at patuloy aniyang nagsasagawa ng reporma sa kanilang sistema.

Sa katunayan, nakatakda aniyang humarap sa kanila ang FDA sa linggong ito para iprisinta ang kanilang ipinangakong strategic planning.

Sa LTFRB naman aniya ay nadatnan nila ito sa kainitan ng isyu noon ng Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Humingi aniya sa kanila ang LTFRB ng ayuda para mapabilis ang proseso ng mga nilalakad na dokumento rito.

Tambak ding mga dokumento ang problema sa LRA kaya kinakalampag aniya ng ARTA ang pamunuan ng LRA na mag-convert na sa electronic titling para mapadali ang proseso.

Naniniwala si Belgica na kapag gumana na ang e-titling sa LRA, kakayanin na ng hanggang isang araw lamang ang paglalakad ng mga dokumento rito.

Read more...