Gen. Eleazar bagay maging susunod na PNP CHIEF – ‘WAG KANG PIKON ni JAKE J. MADERAZO

Dahil sa Senate Blue Ribbon Committee, mapapaaga ang pag-alis ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde. Sa halip na November 7, bababa siya sa pwesto sa Oktubre 29. Sa totoo lang, siningil si Albayalde ng mga pangyayari noong 2013 nang siya’y Pampanga police chief at 13 pulis sa ilalim ng kanyang “command” ang nag-“agaw bato”, nagkidnap ng suspect na Intsik. Isinangkot din siya sa “cover-up” at pakikialam sa kanilang “dismissal cases”. Mga akusasyong malalim na winasak nang tuluyan ang kanyang kredibilidad at pangalan.

Kung susuriin, magaganda ang accomplishments ng PNP sa kampanya laban sa krimen at “illegal drugs”. Noong December 2018, sinabi ng SWS na 66 percent ng mga tao sa buong bansa ang nagsabing nabawasan na ang mga “drug users” sa kanilang lugar dahil sa matinding kampanya ng PNP. Sa breakdown, 83 percent sa Mindanao, 71 percent sa Visayas, at 54 percent sa Luzon.

Sa second quarter SWS survey nito lamang Setyembre, 82 percent ng taumbayan ang “satisfied” sa anti-narcotics campaign ng gobyerno, 12 percent ang “dissatisfied” at 6 percent naman ang “undecided”.

Kaya naman, malaking tanong ngayon kung sino ang susunod na PNP Chief? Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, naghahanap si Presidente ng “honest” (walang kaso) at “competent”( magaling sa trabaho) na lider ng PNP. Ayon naman kay Senator Bong Go, tatlo ang pinagpipilian . Dalawa ang kaklase ni Albayalde na sina Lt. Gen. Camilo Cascolan (Class 86) at Lt. Gen. Archie Gamboa (Class 86). Ang ikatlo ay si dating NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar (Class 87) . Sina Cascolan at Gamboa ay magreretiro sa 2020 samantalang si Eleazar ay sa 2021. Sina Gamboa at Cascolan ay naglingkod sa Davao Region , at personal na kilala at nakatrabaho ni Pangulong Duterte.

Pero, kung pagbabatayan ang performance at kredibilidad, masyadong malayo itong si Gen.

Eleazar. Sa panahong sangkot ang mga heneral sa mga cover-up at pagkanlong sa mga Ninja cops na nabilad sa Senate investigation, si Eleazar ay walang kapagurang nagtatrabaho. Winasak at binulldozer ni Eleazar kasama si BUCOR Director general Gerard Bantag ang mga “kubol” sa loob ng New Bilibid prisons. Hinuli din ni Eleazar ang higit 500 Chinese nationals sa Paranaque na walang working permits kasama ang Bureau of Immigration, ISAFP at Chinese police.

Sa higit isang taon lang niya sa NCRPO, tinanghal itong Best Region in Anti-Illegal Drugs Campaign at Best Region in Internal Cleansing sa 117th Police Anniversary sa Kampo Krame nitong Agosto.

Bumaba ang “crime index” sa Metro Manila ng 58 percent sa isang taon niyang serbisyo sa pamamagitan ng epektibong anti-crime strategy at lumakas na pagtitiwala ng publiko. Idagdag pa rito ang deklarasyon ng 67 percent ng mga taga- Metro Manila sa SWS December 2018 survey na nabawasan na din ang mga “drug users” sa kanilang lugar.

Masyadong mahalaga ang posisyon ng bagong PNP chief sa nalalabing dalawat kalahating taon ng Duterte administration. Ang dapat piliin ng Pangulo na bagong PNP Chief ay taong i-rerespeto ng buong organisasyon, magtutuloy ng “internal cleansing” sa higit 170,000 na pulis at tiyaking epektibo ang anti-crime strategy sa lahat ng lugar sa bansa.

Sa aking palagay, dapat lang italaga bilang bagong PNP chief si Gen. Guillermo Eleazar. Walang bahid, mahigpit, at walang kapagurang nagtatrabaho.

Read more...