VP Binay inakusahang nanapak ng pulis

NCRPO at Makati City Hall Ruel 3
Kuha ni Ruel Perez

Inakusahan ng pananapak ng isang pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) si Vice President Jejomar Binay sa kasagsagan ng tensyon sa Makati City Hall dahil sa panibagong suspensyon kay Makati Mayor Junjun Binay.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Col. Elmer Jamias, Southern Police District (SPD) Deputy Director for Administration, maliban sa pananakit sa isa nilang tauhan ay matinding panlalait pa ang kaniyang inabot sa bise presidente.

Ayon kay Jamias, nagkaroon ng tensyon sa City Hall, Lunes ng gabi nang dumating doon si Vice President Binay na nauwi sa pananapak umano ng bise presidente kay Chief Insp. Gideon Ginez. Kinuwelyuhan din umano ni Binay si Ginez.

Ayon kay Jamias, bagaman hindi niya nasaksihan ang pangyayari ay agad itong inireport sa kaniya ng kaniyang mga tauhan. Nagpa-blotter na din umano si Ginez para maireklamo ang ginawa ng bise presidente.

“Nag-report sa akin ang aking mga tauhan na kinwelyuhan ni VP Binay at kanilang sinaktan, sinapak”, ayon kay Jamias.

Dagdag pa ni Jamias, maliban sa pananakit kay Ginez, mismong siya ay nakaranas din ng hindi magandang trato mula sa nakatatandang Binay.

“Kagabi po ay hindi ako nag-expect na dadating si VP Binay at ako ay kukumprontahin niya at lalait-laitin bilang alagad ng batas. Sabi ko sa kaniya ‘kayo po ay inaasahan namin na kayo ay magpapasalamat sa amin dahil sa pagpapanatili namin ng katahimikan sa nasasakupan namin dito sa Makati’, Pero kabaligtaran ang tinanggap ko, puro panlalait ang aking tinanggap sa kaniya,” dagdag pa ni Jamias.

Sa kabila ng insidente, sinabi ni Jamias na pinanatili pa rin nila ang pagpapa-iral ng maximum tolerance.

Sunod na insidente aniya ay nang arestuhin nila ang isa sa mga tagasuporta ng pamilya Binay na sumigaw na siya ay may dalang granada.

Ayon kay Jamias, agad nilang dinakip ang nasabing tagasuporta dahil mali ang ginawa nito na maaring magresulta ng pagkatakot at tensyon sa iba pang nasa City Hall.

Pero nang dakpin ito ng mga tauhan ng SPD ay inagaw umano ito sa kanila ni Vice President Binay.

“Hinuli po namin ang isang supporter kasi sumigaw siya na may granada sya, pero inagaw po siya sa amin ni VP Binay. Hindi ko po inaaasahan na si Binay pa ang mangunguna sa paglabag sa batas,” sinabi pa ni Jamias.

Samantala, mariin namang itinanggi ng kampo ng pamilya Binay ang akusasyon na nagkaroon ng sakitan sa pagitan ng bise presidente at isang pulis.

Ayon sa political spokesperson ng pamilya Binay na si Atty. Rico Quicho, nagkaroon lamang ng tulakan nang dumating na ang bise presidente.

“Nagpaliwanagan ho, at doon sa isang banda, itong si Mr. Ginez nung nag-uusap sila ni Vice President, tinatanggal ho ni VP Binay ang mga harang, itinulak ho siya (ni Ginez) doon na po nagkaroon ng tulakan. Nung natulak si VP, tinulak-tulak din po niya (si Ginez),” ayon kay Quicho.

Tinawag ni Quicho na “simpleng tulakan” lamang ang naganap na insidente para magkaroon umano ng espasyo sa daraanan ni Vice President Binay./ Ruel Perez, may ulat mula kay Dona Dominguez-Cargullo at Alvin Barcelona

Read more...