Media, binawalang umakyat sa Comelec Office sa 8th floor ng Palacio del Gobernador

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

(UPDATED) Pinagbawalan ang mga miyembro ng media na umakyat sa ika-8 palapag ng Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila kung saan naroroon ang mahahalagang opisina ng Commission on Elections.

Sa 8th floor ng Palacio del Gobernador nag-oopisina si Comelec Chairman Andres Bautista at anim na Commissioners.

Nasa 8th floor din ang session hall ng Comelec at maging ang mismong press office na inilaan para sa mga mamamahayag na regular na nagco-cover ng poll body.

Walang maibigay na dahilan ang mga security guards ng Palacio del Gobernador.

Anila, nakatanggap lamang sila ng utos mula sa Chairman’s office na nagsasabing ang mga miyembro ng media ay hindi muna maaring umakyat sa 8th floor at sa kaliwang bahagi muna ng ground floor ng gusali maaring mananatili.

Pero dahil walang signal sa ground floor ng gusali, ang ilang miyembro ng media ay napilitang manatili sa labas ng Palacio del Gobernador.

Magugunitang nitong nagdaang mga araw ay naging kontrobersiyal ang mga opisyal ng Comelec at usap-usapan ang word war sa pagitan nina Bautista at Commissioner Rowena Guanzon.

Makalipas naman ang isang oras at matapos umapela kay Bautista ang mga mamamahayag ay nilapitan sila ng gwardya at sinabing maaari na silang umakyat sa 8th floor.

Wala namang paliwanag kung bakit sa umpisa ay hindi sila pinayagan na makaakyat.

Read more...