Batay sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,090 kilometro Hilagang-Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Ayon kay PAGASA forecaster Lorie Dela Cruz, posibleng lumakas pa ang LPA at maging ganap na bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Mabagal ang pagkilos ng LPA at tinutumbok ang direksyong Hilagang-Kanluran.
Ayon kay Dela Cruz, kung dumaan man ang sama ng panahon sa extreme northern Luzon ay hihina ito dahil sa may kalamigang hangin sa lugar.
Samantala, ngayong araw, inaasahan ang malamig na panahon na may mahihinang pag-ulan sa Babuyan Group of Islands at Batanes dahil sa northeasterly surface windflow.
Sa Eastern Visayas at buong Mindanao maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan ang mararanasan dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ).
Sa nalalabing bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, at nalalabing bahagi ng Visayas ay maalinsangang panahon ang mararanasan maliban na lamang sa mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.
Nakataas pa rin ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Babuyan, northern coast ng Cagayan at Ilocos Norte.