Pasado alas 6:00 ng umaga kanina nang ianunsyo ng gwardya sa bahagi ng LRT Carriedo Station na nasa code red alert ang LRT.
Ito ay dahil umano sa isang depektibong tren sa bahagi ng northbound lane ng Doroteo Jose Station.
Dahil dito, ang mga pasaherong nasa mga istasyon ng LRT ay nagbabaan. Ang iba naman ay pinili ring manatili na lamang muna sa mga istasyon at hintaying magbalik sa normal ang biyahe.
Makalipas ang ilang minuto, muling nakabiyahe ang mga tren ng LRT pero hindi agad naging normal ang bilis ng andar dahil kinailangang madala sa depot ang nasirang tren.
Alas 6:30 ng umaga, nag-post ng status ang LRT sa kanilang twitter account na @officialLRT1 at sinabing fully operational na ang kanilang biyahe.
Nasa 26 na tren umano ang bumibiyahe sa normal speed na 40kph. Sa pagbubukas ng LRT line 1 kaninang alas 5:00 ng umaga ay 29 ang bilang ng mga bumiyaheng tren.
Dahil sa ilang minutong aberya, agad dumami ang bilang ng mga pasahero at humaba ang pila lalo na sa bahagi ng Monumento Station.
Ayon sa pamunauan ng LRT as of 7:00am, maliban sa Monumento ay marami rin ang bilang ng pasahero sa Gil Puyat, Abad Santos, Blumentritt, Bambang at Doroteo Jose stations.
Kahapon ng umaga ay nagkaproblema din sa biyahe ng LRT line 1 dahil din sa depektibong tren.