Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, ngayon na ang tamang panahon para ipasa ang whistleblower protection bills matapos na mabunyag ang drug recycling activities kung saan sangkot ang ilang pulis.
Paliwanag ni Fortun, nabunyag ang “ninja cops” schemes matapos na ibunyag ni dating PNP police general at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Subalit wala umanong batas sa bansa na magpoprotekta sa mga whistleblower na tulad ni Magalong.
Giit pa ng kongresista, kung mayroong batas para magprotekta sa mga magbubunyag ng katiwalian hindi lang sa PNP subalit sa iba pang ahensiya ng gobyerno ay tiyak na mas marami pang handang lumantad at tumestigo .
Noon pa umanong 15th Congress, tinatangka ng Kamara na magpasa ng whistleblower protection law.
Ngayong 18th Congress ay may nakahain na pitong whisleblower protection bills na inihain sa Kamara at isa dito ang House Bill 2239 na inihain ni Fortun na nakabinbin pa sa House Committee on Justice.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng absolute confidentiality at tagabantay ang isang whistleblower laban sa anumang posibleng pagganti sa kanila kaya kailangan silang protektahan ng gobyerno.