Pondo ng MMFF, pinabubusisi

mmff1Hindi subject to COA report ang pondo at kita ng Metro Manila Film Festival o MMFF.

Ito ang pag-amin ni MMDA chairman at MMFF chairperson Emerson Carlos sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development ukol sa mga isyu laban sa MMFF 2015.

Sa pagtatanong ni Rep. Anthony Del Rosario, naungkat ang isyu ng MMFF fund matapos sabihin ni Director Erik Matti na pera-pera lamang ang film festival.

Aminado si Carlos na bagaman nasa ilalim ng gobyerno ang MMFF, hindi ito naisasalang sa pag audit ng Commission on Audit.

Paliwanag ni Carlos, donated funds daw kasi ang pera ng MMFF.

Natuklasan din na hindi tumatanggap ng suweldo kundi honoraria lamang na P1,500 ang nakukuha ng mga miyembro ng executive committee ng MMFF sa kada meeting.

Dahil dito, hiniling ni Matti sa komite na kalkalin at ipa-audit ang pondo at kita na nakukuha sa MMFF, hindi lamang noong 2015 festival kundi noong mga nakalipas na taon.

Dapat din daw na maging bukas sa audit ang MMFF dahil may implikasyon ito sa mga film producers, film directors at lalo na sa mga tax payer.

Sa susunod na pagdinig ay ipapatawag ang COA para sa nasabing panibagong isyung naungkat sa MMFF.

Samantala, nilinaw naman ng executive committee ng MMFF na agad silang kumilos para imbestigahan ang napaulat na ticket swapping sa katatapos na festival.

Ito ay matapos umanong makatanggap ng tawag ang komite mula sa producer ng pelikulang My Bebe Love kaugnay sa alegasyon ng ticket swapping.

Ang imbestigasyon ay ginawa umano sa mismong araw rin ng matanggap nila ang nasabing reklamo kahit na ito ay hindi isang formal complaint na maituturing.

Ayon kay Dominic Du ng MMFF exe-com, nakipag ugnayan sila sa mga sinehan kaugnay rito at pinasiyasat na rin daw ito ng sinehan pero wala namang napatunayan.

Matatandaan na nitong December 2015 lalo na sa mga unang araw ng film fest ay dumagsa ang mga reklamo sa social media sa diumano’y ticket swapping sa ilang sinehan kung saan ang biniling tcket ay para sa pelikulang “My Bebe Love” pero ang ibinigay na ticket ay para sa pelikulang “Beauty and the Bestie”.

 

Read more...