Ayon kay Escudero, bagaman hindi niya matukoy kung sino ang kinakampihan ni Guanzon, malinaw na tila ayaw talaga nitong patakbuhin si Poe sa pagka-presidente.
Nakapagtataka rin aniya kung anong pinanggagalingan ni Guanzon at tila galit na galit siya kay Poe para ipursige ang pagdiskwalipika sa kaniya.
Dagdag pa ni Escudero, ang ginawa ni Guanzon na pag-bypass sa kaniyang mga kasamahang commissioners sa pagsumite ng komento sa Supreme Court ay mali saan man panig tingnan.
Dapat aniyang ipaliwanag ng maigi ni Guanzon ang kaniyang dahilan kung bakit niya gustong ma-disqualify si Poe.
Samantala, hindi naman mapangalanan ni Escudero kung sino ang pinapanigan ni Guanzon, pero nabanggit niya na naging commissioner ito dahil sa rekomendasyon ni Senate President Franklin Drilon.
Paliwanag niya, karamihan sa mga commissioners sa COMELEC ay inirekomenda nina Drilon at dating Interior Sec. at Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Mismong si presidential spokesperson Edwin Lacierda aniya ang nag-kumpirma nito, tulad ni Commissioner Al Parreño na inirekumenda ni Roxas, habang si Commissioner Art Lim ay inirekumenda naman ni Drilon.
Hindi naman sa sinasabi niyang may bahid na ang kaniyang mga nabanggit, pero giit niya, ang sinumang nagbabalak tumakbo ay hindi dapat nagre-rekomenda ng sinuman sa COMELEC.