Pinirmahan na ng lahat ng mga commissioners ng COMELEC ang ikalawang komento nila na ihahain sa Supreme Court para depensahan ang kanilang ruling kaugnay sa disqualification case ni Poe.
Matatandaang kinuwestiyon ni Poe sa Korte Suprema ang desisyon ng poll body na pumabor sa mga naghain ng diskwalipikasyon laban sa kaniya na sina Atty. Estrella Elamparo.
Nakasaad pa sa 48-pahinang komento ng COMELEC na wala silang inaapi o inaagrabyado sa kanilang desisyon dahil ibinase nila ito sa mga facts at constitutional provisions.
Nakalagay rin doon na bagaman mahirap para sa kanila na i-diskwalipika si Poe sa darating na halalan, kailangan nilang panindigan ang kanilang mandato na tiyakin ang malinis, maayos, makatotohanan at ng may kredibilidad.
Ayon naman kay COMELEC spokesman James Jimenez, sa kanilang pangalawang komento ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga commissioners na magbigay ng kani-kanilang sariling komento na ipinrisenta sa en banc.
Nakatuon lamang ang nasabing komento sa kanilang desisyon na pumabor kay Elamparo, habang ang isa pang diskwalipikasyon ng COMELEC kay Poe mula sa kasong inihain nina dating Sen. Kit Tatad ay nakatakda pa lamang gawan ng komento ng poll body.