Nais imbitahan ni Sen. Juan Ponce Enrile si Pangulong Benigno Aquino III sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa malagim na engkwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 SAF commandos noong Enero 25, 2015.
Nagpahiwatig rin si Enrile na ang pagtutuunan ng pansin sa reinvestigation, ang naging ‘role’ ng Pangulo sa insidente alinsunod sa mga ulat na inilabas ng Senado, ng Philippine National Police – Board of Inquiry at Department of Justice.
Ani Enrile, bukas sila sa posibleng partisipasyon ni Pangulo sa kanilang re-investigation, lalo na kung handa itong sumagot sa mga isyung nanatiling walang kasagutan kaugnay sa nasabing insidente.
Dagdag pa ni Enrile, balak niya talagang imbitahin si Pangulo para sagutin ang mga nasabing katanungan, pero nasa kaniya na ito kung gusto ba talaga niyang sumagot.
Kung gusto rin ng pangulo aniya na kusang dumalo sa pagdinig ng Senado, welcome naman siya para gawin ito.
Matatandaang itinakda ang muling pagbubukas ng imbestigasyon para sa Mamasapano incident sa January 25, eksaktong isang taon matapos ang nasabing engkwentro alinsunod sa kahilingan ni Enrile na hindi nakadalo sa unang imbestigasyon.