Pinagpapaliwanag ng ACT-CIS partylist ang mga Barangay official sa barangay Paltok, Quezon City makaraang magreklamo ang isang scavenger dahil sa pagkumpiska at pagwasak sa kanyang kariton na ginagamit sa paghahanap buhay araw-araw.
Umiiyak na lumapit at humingi ng tulong sa tanggapan ng ACT-CIS si Ruben Sulu, 52, may asawa at dalawang anak.
Reklamo ni Mang Ruben, ilang tauhan at opisyal umano ng Brgy. Paltok ang bigla na lamang kinuha ang kanyang kariton noong nakaraang linggo kahit nakatabi naman ito.
Pinababa umano ng kariton ang kanyang asawa at mga anak at saka kinumpiska at dinala sa barangay.
Nang datnan doon ni Mang Ruben ay wasak-wasak na ang kariton.
Agad naman nagtungo sa nasabing barangay ang mga tauhan ng Cong. Eric Yap, pero ang sabi ng mga tanod ay gumagamit umano ng droga si Mang Ruben na mariin nama nitong pinabulahanan.
Sinabi ni Yap na kung talagang nahuli nilang gumagamit ng droga si Mang Ruben ay dapat dinala na ito sa pulisya sa halip na pinalaya ito.
Wala ring drug paraphernalia na maipakita ang mga barangay official na umano’y nakuha nila kay Mang Ruben.
Dahil sa pangyayari, ipapatawag ni Rep. Yap ang mga opisyal ng barangay sa Paltok para magpaliwanag sa kanilang ginawa .