Dudulog ang Manila police sa Department of Justice upang i-apela ang kautusan ng piskalya ng Maynila na nagpalaya sa mga akusado sa pagpaslang kay Vice Mayor Charlie Yuson III at pagkasugat sa dalawang kasama.
Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Vicente Danao Jr, gagawin ng MPD ang lahat ng legal na remedyo upang mapanagot ang mga nagkasala sa krimen.
Sisikapin aniya ng Manila police na maipagkaloob sa mga biktima at kanilang pamilya ang hustisya.
Noong Biyernes ng gabi ay isinampa ng MPD CIDU ang kasong murder at dalawang bilang ng frustrated murder sa mga nasukol na suspek na sina Bradford Solis, 41; Juanito de Luna, 54; Junel Gomez, 36; at Rigor Dela Cruz, 38.
Ngunit ilang oras lamang matapos na maisampa ang kaso ay ipinag-utos ng MCPO ang pagpapalaya sa apat na akusado para sa malalimang imbestigasyon o RFFI.
Bukod sa napaslang na bise alkalde biktima rin sa pananambang ang kasama nito na sina Wilfredo Pineda, 44-anyos at Alberto Alforte y Yuson, 23-anyos na dinala sa UST Hospital.