Mga istasyon ng LRT-2, madadagdagan pa

Nakatakdang magdagdag ng panibagong mga istasyon sa LRT-2 ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA).

Ayon sa ahensya, sa ilalim ng kanilang LRT-2 West Extension Project ay makapagtatayo pa ng tatlong bagong mga istasyon na patungo sa mga shopping district ng lungsod ng Maynila.

Ito ay sa may bahagi ng Tutuban, Divisoria, at Pier 4.

Ang nasabing proyekto ay tinatarget na makumpleto sa taong 2023 at nakatakdang pondohan ng P10.1 bilyon ng ating gobyerno.

Sa pagtatapos ng konstruksyon ng proyektong ito ay inaasahang aabot na lamang hanggang sa limang minuto ang magiging biyahe ng mga pasahero mula sa Recto Station hanggang Pier 4 habang hindi naman lalampas sa isang oras ang magiging byahe mula sa Masinag hanggang Pier 4.

Sinabi naman ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya na inaasahan nilang madaragdagan pa ng 16,000 ang kasalukuyang bilang ng mga pasahero na 220,000 hanggang 240,000 ang maisasakay ng LRT-2 araw araw sa sandaling matapos ang proyekto.

Sa loob naman ng dalawa hanggang tatlong buwan ay tinatarget ng pamunuan ng LRTA na muling maibalik ang normal na byahe ng nasabing tren.

Read more...